anak ng usapang komiks

Saturday, February 10, 2007

UKOL SA KOMIKS KONGRESS

Dumalaw ako kamakailan sa blog ni Papa Randy kung saan napabalita ang isang kasalukuyang ginaganap na pagpupulong o kongress ng mga nagko-komiks. Tama ito.

Ngayong wala na ang komiks ng mga Roces, wala na ang monopolyo, wala na ang dating mass media ng komiks, nararapat lang na pag-isipan ng mabuti (bago kumilos ng daglian) kung saan at papaano lulugar, ang mga dati at kasalukuyang nagko-komiks, para maibangaon ang PILIPINO Komiks bilang isang MASS MEDIA, sa kasalukuyang "information age" ng siglo 21.

Kung ang pakay ng Kongreso ay ang pagbangon muli ng komiks bilang isang INDUSTRIYA dapat nitong maunawaan na hindi ito makakamit sa pamamagitan ng isang "art exhibit" lamang, o ang pagbibigay ng award, ang walang tigil na pagmumuni sa nakaraan, at ang walang imbot na pananaw na ang komiks ay limitado lamang sa pagbibigay ng saya at aliw.

NEGOSYO ang industriya, hindi paligsahan sa "art". Pag gusto mong ibangon muli ang nakaraan, nangunguhulugan na gusto mo maging MASS MEDIA muli ang komiks ng PILIPINO: maraming kopya ang NALILIMBAG, maraming mga mambabasa, marami ang mga publisher at komiks creator na pumapasok, me mga kaakibat na mga trabaho ang nalilikha, sari-sari ang mga ideya at pananaw sa paglilimbag ang umiiral, hindi nangingibabaw ang mga walang kadahilanang "censorship", at higit sa lahat, may natatamong respeto galing sa madla.

Kung ito ang layunin, dapat pagusapan ng Kongreso kung PAPAANO matatamo ang mga hangaring ito. NEGOSYO ang pinag-uusapan dito. Kailangan bukas ang isip ng mga beterano at mga baguhan sa kasalukuyang nangyayari. Rason at di emosyon o "nostalgia" ang dapat mangibabaw.

At sa aking palagay, hindi ito mararating kung sa umpisa pa lamang ay di nalalaman ng dalawang panig ang kani-kaniyang lakas at kaakibat na kahinaan at kakulangan. Kailangang magpakatotoo muna sa aspetong ito bago sumulong ng tuluyan ang usapan ukol sa pagbangon ng komiks bilang isang bago at tanyag na MASS MEDIA sa siglo 21.

Oras na matukoy ang mga lakas at kahinaan ng bawat panig sa kongreso, na sa kasalukuyan ay nahahati sa mga matatandang beterano at batang "komikero", ay maaaring sumulong ang usapan sa mga nakikitang konkretong solusyon para sumigla muli ang kanilang mga lakas, mapabuti ang kahinaan, at higit sa lahat, ang paghanda sa mga nakikitang maaaring humadlang sa layunin ng kongreso.

Sa mundo ng mga korporasyon, taunang nagpupulong ang mga opisyal nito para pagplanuhan ng maigi ang mga dapat gawin sa susunod na taon. Kanilang linilingunan ang nagdaan, sinusuri, pinag-aaralan ang kasalukuyan, at nagpaplano para paghandaan ang mga nakikitang suliranin na darating.

Sila'y nagkakaroon ng isang SWOT analysis: Strengths, Weaknesses, Objectives, at Threats. Kadalasan, mayroon pang mga propesyonal na moderator o "outsider" ang inaarkila para sumulong ng mabuti ang usapan para walang bias at may direksyon ang usapan.

Siguro maaaring gamitin din ng Kongreso ang paraang ito?

Wednesday, November 01, 2006

UKOL SA "FILIPINO KOMIKS"

Nabasa ko kamakailan ang blog entry ni Randy tungkol sa "Filipino Komiks" (FK) ng Rising Star Publications. Sang-ayon ako sa mga sinabi niya at nais ko sanang magdagdag ng mga ilan pang personal na obserbasyon.

Una, kung ang intensiyon ng FK ay abutin ang "masa" na tumatangkilik sa mga babasahing TAGALOG tulad ng mga romance pocketbook, ay baka hindi ito tangkilikin ng mga westernized burgis na lumalagi halimbawa sa "National Bookstore" at specialty bookstore na bumebenta ng mga bagong babasahing imported; me presyo P100 pataas.

Oo nga, kayang-kaya ng burgis ang P100 na presyo ng FK. Ngunit sa ganoong halaga, mas pipiliin nila ang iba pang babasahin na "imported" lalong-lalo na kung ito ay second-hand na pocketbook sa "Booksale".

Likas kasi sa kanila na mas tangkilikin ang mga gawang banyaga at hindi lokal. Maaaring ibaba ang presyo para maging mas kaaya-aya sa kanila pero naroon pa rin ang kanilang bias o ang pagka-isip banyaga.

Pangalawa, base sa pangkalahatang estilo, kalidad, at nilalaman ng FK ay para lang ito sa mga nakakaunawa at mahilig sa tradisyonal na Filipino Komiks ng 1970s hanggang 1990s. Pang "Hardcore fan" ika nga.

Ang tanong ay kung may sapat na dami na mambabasa o "target market" para sa ganitong uri na anthology publication kung saan pinagtipon-tipon ang sari-saring genre ng Pilipino Komiks noong 1970s hanggang 1990s sa isang babasahin lamang.

Nandoon din ang pananaw nina Gerry Alanguilan at ng ilang komikerong tulad niya na ang mga ganitong klase na lokal komiks na me estilong 1970s to 1990s ay mababa raw ang kalidad. Mas mataas daw ang kalidad ng Pilipino komiks noong 1940s hanggang 1950s kaya't mas hilig ng mga komikero at iba pang tulad nila ang mga ganitong klaseng komiks.

"Nostalgia" para sa makalumang Pilipino Komiks ng mga Roces circa 1970s to 1990s ang ultimong hinahanap na mambabasa o "target market" ng FK.

At alam natin na ang dating mga mambabasa ng ganitong mga komiks ay hindi mayayaman. Karamihan sa kanila ay nasa lower income class.

At malamang na sa mga panahon ngayon, matatanda na ang mga mambabasang ito posibleng nasa 35 taong gulang pataas. Saan sila matatagpuan? Karamihan ba sa kanila na nandito pa sa Pilipinas e, umunlad at bumuti ang kabuhayan? Kaya na ba nila ang P100 para sa isang komiks?

Ang lower income class ngayon sa Pilipinas ay nabubuhay sa P100 isang araw o mas mababa pa. Karamihan o 90% ng mga Pilipino ngayon ay nasa lower income class.

Dahil sa hirap ng buhay, nagtitipid sila sa pamamasyal, pamasahe at pag-gastos. Marami sa kanila ang hindi nakatuntong sa mataas na pag-aaral at mas nakakaunawa sila ng TAGALOG kesa sa ingles. Madalas sila sa mga sari-sari store at bangketa na malapit sa kanilang mga tirahan.

Sa ganyang datum, maaasahan mo ba ang ganitong "target market" na pumunta sa National Bookstore, Komikon sa U.P. o sa Booksale, para bumili lang ng P100 komiks ng FK?

Thursday, October 19, 2006

WE ONLY CARE ABOUT ART AND NOT THE MASSES

Me nag-post ng comment sa isa sa mga entries dito na nag-iimbitang dalawin ang blog ni Gerry Alanguilan dito: http://alanguilan.com/sanpablo/2006/09/ernie-chan-email-replies.html.

Kung babasahin ay mauunawaan daw natin ang dahilan kung bakit Ingles ang gamit na salita ng karamihang "komikerong" tulad ni Mr. Alanguilan.

Sa blog na ito, ibinabandera ni Alanguilan ang comment ng isang Mr. Orbeta na pumuri sa gawa niyang "Elmer".

Dagdag na puri ni Mr. Orbeta na "tama" daw ang pag-gamit ni Alanguilan ng Ingles sa Php 50.00 black and white digest-size photocopy "komiks" niyang "ELMER" pagkat mismong sa Pilipinas daw mas marami ang di "daw" nakakaunawa ng tagalog. Maraming dialect at sumasakit ang loob ng mga Pilipino sa iba't-ibang rehiyon kung "tagalog" ang ipababasa sa kanila.

Bagamat opinyon lamang ito na base lamang sa sariling paniniwala at damdamin ni Mr. Orbeta ay agad-agad naman itong tinanggap bilang totoo ni Mr. Alanguilan.

Dagdag pa ni Mr. Alanguilan na sa paggamit niya ng Ingles, naiintindihan at napapagusapan ng maraming tao sa Internet tulad ng sa France at iba't-ibang parte ng mundo ang likha niyang obra maestra.

Hindi na niya diretsong sinabi pero lantad na pinapahiwatig at ipinagmamalaki ni Alanguilan na di man matangkilik ang 'Elmer' ng maraming mambabasa sa Pilipinas, pinupuri naman ito ng mga dayuhang nakakaintindi ng Ingles sa abroad, lalong-lalo na sa internet. Pinapahiwatig din ni Alanguilan dito na dapat pa ngang matuwa tayo na me ganitong mga "puri" na dumadating sa isang "Pilipino" tulad niya.

At dahil diyan, saludo naman si Mr. Orbeta sa ginagawang ito ni Mr. Alanguilan na tungo raw sa pagbangon ng local comics industry.

Marami ang di nakakaunawa sa pananaw na ito.

Nababangon ba ang local comics industry kung gumagawa at bumebenta ka ng comics abroad na ang tanging tumatangkilik e ang mga banyaga (at isip-banyaga) lang?

Hindi ba't ang kinita mo sa paggawa ng mamahaling Ingles na comics na me tema at pananaw na banyaga ay ginagamit mo uli para gumawa ng ganitong klase ng comics para mabenta muli sa abroad?

Asan ang perang kinita na pumapasok sa Pilipinas, lalong-lalo na na sa patay nating komiks industry? Pinasok ba dito ang pera?

Ginagamit mo ba ang pinagkakitaan mo abroad sa paggawa ng mga lokal na komiks para sa mas nakararaming Pilipino? Ginagamit mo ba ang kinita mong pera para magkaroon ng pangkalahatang industriya at trabaho dito sa bansa ang marami nating mga Pilipino comics creators na walang trabaho pero mas magagaling pa sa 'yo? O ginagamit mo lang ang pera para sa ikaaasenso ng sarili mo?

Kung ang sagot sa mga katanungang iyan ay wala at hindi, malinaw na ang ginagawa mo ay hindi nakakatulong sa pagbangon ng comics industry dito sa bansa. Sarili mo lang ang tinutulungan mo. "Kanya-kanya asenso" syndrome ang nangyayari.

Oo nga, pinuri ka (at ang lahi ng Pilipinong Komiks Artist) sa internet. Pero ang pulot dulo niyan, sarili mo lang talaga ang naaangat at nagtatago ka pa sa ngalan at palda ng "ART" PARA DI KA MASILIPAN.

Aminin.

"Pride" mo lang ang tinatayo sa sarili mong bangko. At nagkaroon ka nito dahil lang sa me mga banyaga (at isip-banyaga) na pumuri sa iyo. Di ka nila pupurihin kung di ka nakagawa ng comics na naiintindihan at naaabot-kaya ng kanilang bulsa. Sa ganyang estilo, nabangon ba ang local comics industry o ang sarili mong "pride"?

Nabangon ba ang local komiks industry ng "Racial at Artistic Pride" na 'yan? Marami bang mga 'westernized' o Ingles na local comics tulad ng mga ginagawa mo ang kasalukuyan bang nagtagumpay dito sa Pilipinas dahil sa pagpuri sa abstract na 'pride' na 'yan? WALA DI BA?

Me mga local comics creators ba ang nabigyan ng tuloy-tuloy na trabaho dito sa bansa dahil sa paggawa mo ng ganitong klase na westernized comics? Hindi ba't karamihan ng mga tulad mong comics artist, ang nagtatrabaho para ultimong maangat at mapabuti ang komiks at animation industry ng ibang bansa?

Bumangon ba ang local comics industry nang sumulpot ang mga ingles at mamahaling ELMER? LASTIK MAN? DARNA? MOO MOO FIGHTERS? QUESTOR EXTREME? ENCHANTED KINGDOM? MANGO JAM? CAST? SIGLO? DC SUPERHEROES? DC KIDS? NEO COMICS? IGNITION ZERO?

Php 100 (o Php 53.00) kada araw o mas mababa pa rito ang kinikita ngayon ng 90% ng mga Pilipino. Mga lower income class D at E. Dahil diyan, marami sa kanila ang di nakatuntong sa pormal na edukasyon, lalong-lalo na ang pag-aral at pag-unawa ng mataas na Ingles at slang na ginagamit ng ELMER at iba pang mga "global" komiks tulad nito.

Tapos nagtataka kayo kung bakit hindi mapansin, mabili, o maintindihan ng mas nakararaming Pilipino ang gawa ninyo? Tanging maliit na porsiyento lang ng mga "westernized" Pilipinong burgis; mga geek, nerd, at psuedo-intellectual na katiting ng 10% ng upper income class ABC ng bansa ang audience ng mga global komikerong ito. Isang kulto. Isang sub-culture.

Sisisihin mo pa ang 90% MASA dahil sa "katangahan" nila; na ang matatalino at mayayamang banyaga lang ang nakakaintindi sa gawa mong "ART?

"We only care about ART and not the Masses"? Iyan ang panakip-butas? Tapos nagagawa ninyo pang magtanong: "Paano ba at kailan babangon ang local komiks industry" ?

Friday, September 22, 2006

CONVENIENCE LEADS TO EXPENDITURE

Pag sinabi mong "convenience" ang ibig sabihin ay kung kailangan mo agad ang isang bagay, madali mo ito nakukuha. At dahil nga sa madali mo ito nakukuha, hindi masakit na maglabas ka ng pera. Ang komiks-magasin noon ng mga Roces ay ganoon. Kahit newsprint ang papel, nasa murang presyo na abot-kaya ng lower-income socio-economic target market nila.

Madali rin itong makuha sapagkat ang mga komiks-magasin nila lumalabas kada linggo at nakikita sa anumang lugar: sa terminal ng bus, baby bus, jeepney stop, university belt, carinderia, linalako ng mga newsboy, sa palengke at lalong-lalong na noon sa banketa o tabing kalsada. Naaarkila pa sa murang halaga.

Dahil dito, lumawak ang kanilang mambabasa; naging MASS MEDIUM. At dahil naging mass medium na dinaig ang pelikula, telebisyon, dyaryo at radyo noong 1970s at 1980s, napansin ito ng mga advertiser kaya diyan nila nilalagay ang mga ads nila; mga produktong tinatangkilik ng lower income: mga pelikulang tagalog ng paboritong Pilipinong artista, mantika, gamot, alak, sigarilyo, etc.

Sa kasalukuyan, hindi ganyan ang nangyayari. Ang mga komiks ngayon, gaya ng sinabi ko, ay pamburgis na at ang salita, tulad ng sinabi ni Gerry Alanguilan, ay "global" na o "Ingles". Konti ng nililimbag nilang mga kopya, mga 3,000 hanggang 30,000, dahil sa napakataas ng kanilang production cost.

Bakit mataas? Sapagkat mas binibigyan ng di kaukulang importansya o overkill, ang "high artistic standards" na dapat daw mataas na uri ng papel ang gamitin, mamahaling computer coloring at sistema ang i-apply, at dapat mataas ang bayad sa mga comics artist lalong-lalo na kung nakagawa sila sa abroad o dili kaya ay nakakuha ng award sa abroad. Lopsided ngayon ang paggawa ng komiks na mas binibigyan ng pabor ang taste ng mga westernized "artist". Walang pumilit sa mga komikero ngayon na gawin ito. Malaya nilang PINILI ang landas na ito. Ikinatutuwa at ipinagmamalaki pa nila.

Dahil sa mataas ang production cost, mataas din ang presyo na di abot ng mas maraming mahihirap na Pilipino ngayon ang mga komiks ngayon. Kaya ang primary market ng mga komiks na ito ay ang mayayamang burgis na karamihan ay nasa urban areas lalong-lalo na sa Metro Manila: mula Valenzuela hanggang Muntinlupa.

Siyempre, dahil sa ang target ng mga komiks ngayon (lalong-lalo na ang mga ibang "indies") ay ang maperang burgis, ang tema, pananalita at laman ng mga komiks nila ay pamburgis din. At ano naman ang panlasa at hilig ng maperang burgis? Walang iba kundi ang pang-masang media ng Amerika at cartoons ng Hapon.

Pero ang nakakapagtaka, kahit na gayon ang kanilang ginagawa na ibang-iba sa nagdaan, ang kanilang lantarang panggagaya sa kultura at media ng ibang bansa, malinaw na di ito tinatangkilik ng maraming lower income at upper income na mga Pilipino, lalong-lalo na ng burgis nilang target audience. Dahil dito, ang kilusan ng kasalukuyang komiks ay isang "kulto" o "sub-culture". Hindi maintindihan, hindi maunawaan, hindi pasok sa budget, hindi lagian ang labas, at hindi madaling hanapin. Wala sila sa langit o impiyerno. Bagkus, nasa kalagitnaan sila: purgatory o limbo.

Kaya para makapukaw ng pansin ang mga "komikerong" ito, gumagawa sila ng sari-saring gimik tulad halimbawa ng pagtatag ng isang KOMIKON at ang pagbibigay ng mga kaduda-dudang mga "award". Ang kanilang mga komiks ay matagal na naka-display sa mga bookstores na puntahan ng mga mayayaman na di naman nabibili. Dahil dito, iniisnab sila ng mga advertiser.

Convenience leads to expenditure. "Convenient" ba ngayon para bumili ka ng Lastikman? Darna? Neo-Comics? Mythology Class? Basted? Fantasya? Mango Jam? Mwahaha? Kai? Maskarado? Elmer? ETC.

Hindi di ba?

Sunday, September 10, 2006

ANG NAKAKALITONG KOMENT NI MCCOY



Nasabi ko naman na bukas ang aking isip sa mga ibang opinyon na me sense. So far, sumang-ayon ako sa comment ni Artlink tungkol doon sa pagbabago ng dating circulation policy na "volume first, quality second". Di na ito uubra ngayon. Marami ring mga comment sa blog ni Randy na me sense tulad ng sinabi ni Manilaboy na kung di sinoportahan o kinonsinti ng mga manlilikha noon ang monopolyo ng mga Roces, hindi magkakaroon ng Monopolyo. (Pero kung gayon, kasapi na rin sila ng monopolyo). Marami pang iba.

Pero ang isa sa mga nabasa ko na medyo kailangan ng refinement e yung ke McCoy. Habang binabasa mo me mga inner self-contradictions e (parang ke Robby Villabona minsan). Example:

McCoy: "Business isn't just about finding large untapped markets. Its about profitability. You're in it for the money." -- Iisa iyon, kaibigang McCoy. Kaya ka nga naghahanap ng untapped markets para nga mauna ka magkaroon ng profit.

McCoy: "There are more poor people than rich people so let's all sell to the poor people." It makes no sense. YOU'RE FORCING FACTS TO FIT YOUR THEORY." --- Alam mo kaibigang McCoy, walang pumupwersang ipilit ang totoong nangyayari (facts) sa isang pagpapaliwanag sa mga nangyayari (theory). Nabasa mo yung article sa blog ni Prof. De ASIS sa blog ni Randy di ba? Me stagflation ngayon. Ibig sabihin 'nun, kahit na ibaba pa ng mga negosyante ang presyo ng mga bilihin nila kahit na mag-0% interest promo sila o mag-freebie, KOKONTI o WALA ang bibili dahil sa hirap ng buhay. Kailangan SAGARAN ang bagsak presyo para me bumili kaya nga patok na patok ang mga sale sa SM at 168 Dept. Store sa Divisoria. KAHIT YUNG MAYAYAMAN NA INCOME CLASS AB E NAGTITIPID AT VALUE CONSCIOUS NGAYON KAYA DOON ANG PUNTA NILA.

Halos 90% ng mga Pilipino ngayon ay nasa income class D at E na me pera ng P100.00 isang araw (o mas mababa pa).

Sa ganyang sitwasyon, sa ganyang FACTS, at WAG KANG LILIGAW SA KONTEXTO NG USAPAN DITO KUNG PAANO IBABANGON NG MALAWALAKAN ANG KOMIKS INDUSTRY, anong klaseng paliwanag ang ibibigay mo para makabenta ka ng komiks ngayon NA ME PROFIT? Sige nga, ikaw naman ang mag-isip. Kung sa tingin mo, hasty generalization ang nabigay ko, e ikaw naman ang magbigay ng alternatibo.

Gagawa ka ba ng "Quality" komiks tulad ng sinabi ni Artlink, na imported glossy pages, computerized color, ingles ang pananalita, mataas ang presyo, nasa P50 to P100 at kapirangot na 32 pages lang? Mga mini-comics na photocopy pero ganoon din ang presyo? Value conscious ngayon ang income class AB market, McCoy. FACT din na halos lahat sa kanila e "westernized" ang pag-iisip at tinatangkilik ang komiks ang dayuhan.

'"Forcing facts into your theory"? Alam mo, maging simpleng negosyante ganyan ang ginagawa. Natural yan sa tao na gumamit ng common sense. Naghahanap muna ng FACTS para masuportahan ang mga galaw nila. Naghahanap ng FACTS para masuportahan ang mga paliwanag sa mga nangyayari. Lalong-lalo na kung maglilimbag sila ng komiks o kung kukuha sila ng utang sa banko. Ang banko, di maglalabas ng pera kung di mo masuportahan ang business proposal mo ng SUPPORTING FACTS. Kung di facts, ano ang gagamitin mo? "FEELINGS"? Nothing more than..."feelings"?

Hindi lang self-contradictory statements, meron namang mga matalinhagang statements si McCoy na kailangan ng paliwanag. Tulad halimbawa nito:

McCoy: "...just because people buy newspapers it doesn't necessarily mean that they will also buy komiks. There's no data to support that claim." --- Ang mga dyaryo, lalong-lalo na tuwing linggo e me COMICS. At maniwala ka sa hindi, isa ito sa rason kung bakit bumibili ang ilang mga tao ng dyaryo. Dahil sa dyaryo, nabigyan ng publicity ang PUGAD BABOY.

Wala akong alam na kasalukuyang statistic na diretsong makapagsasabi na ang bumibili ng dyaryo ay diretsong bibili ng komiks. Pero kung ang komiks mo ay nakapresyo ng halos kapantay ng dyaryo, malawakang nadi-distribute tulad ng dyaryo, accessible tulad ng dyaryo, me quality pa, tulad ng nasabi ni Artlink, may malaking possibilidad na magtatagumpay ito. Bakit? Sapagkat iyan ang ginawa noon ng mga Roces. Case study yan. Circumstantial yan. Fact yan. Ang factual milieu natin, ika nga, ay halos ganoon din noong naghirap ang Pilipinas noong late 1970s at early to 1980s. Kung haluan mo lang ng "quality" na naaangkop sa panlasa ng iyong mga mambabasa na lower income at kakayahan ng manlilimbag, wala akong nakikitang dahilan para di ka magtagumpay.

Eto pa: McCoy: "In fact, you could say that tabloids pose a threat to komiks for display space at outlets as well as for the hard earned pesos of prospective buyers. Although there's no data to support that claim either."

Ikaw na rin ang tumama sa sarili mo McCoy. Wala ngang data para suportahan ang sinabi mo. Ano bang outlets ang tinutukoy mo? Medyo malawak ang "outlets" na sinasabi mo. Banketa ba? Filbars? ComicQuest? National Bookstore?

Sa mga "outlets" lang ba ang paraan para makabenta ka ng komiks? Hindi ba pwede ang pamamaraan ng koreo? Me oorder at babayad sa internet (o di kaya magpapadala ng order coupon na me kaakibat na postal money order) tapos ipapadala sa yo diretso ang komiks ng mailman?

McCoy: "To make money downmarket you need to do two things: keep markups high and sales volume high. There are no existing comics companies able to do that right now. Maybe in the future it can be done but why kick the dying horse?"

Ang tanong: bakit mo naman nasabing walang mga local comics companies ngayon na gumagawa niyan? Talagang wala pagkat halos lahat sila, kabaligtaran ang ginagawa at ang tina=target ang mayaman at westernized na audience: Mango, Psicom, Nautilus, Mga Indies, Summit, etc.

Hindi ko maintindihan ang punto dito ni McCoy. Dahil ba sa walang tumututok na gumawa ng komiks ngayon para sa lower income class, ang conclusion mo agad e: hindi profitable ang gumawa komiks para sa malaking market na ito? Sa local scene, case study ang dating negosyo ng mga Roces. Nagtagumpay sila. Di nga lang nagtagal dahil sa pagka-monopolyo nila.

Isa pa, ano itong sinasabi mo na para kumita ka ng pera, ang kailangan mo lang gawin e "keep your mark-ups high and sales volume high?" Ganyan ba sa mass publication? Ang "Bulgar" tabloid black and white at isang kulay lang ang ginagamit (pula). Matipid ang cost of production nito at di mataas ang presyo (P7.00) pero mataas ang sales volume. Mababa ang mark-up, mataas ang sales volume. Profitable pa. Ganyan din ang sa Precious Publications sa mga Tagalog Romance pocketbooks nila. Ang mga komiks ng Roces noong mga 1970s at 1980s, ganoon din. Tinipid ang production cost, mababa ang presyo na abot kaya ng lower income class, pero mataas ang sales volume kada linggo.

Eto, medyo walang basis ang sinabi dito ni McCoy: "You give the example of bestselling tabloids. Tabloid sales were healthy even during comics' heydey." Kung ang tinutukoy mo Mr. Drucker--este--McCoy, ay ang komiks heydey ng 1970s at 1980s, hindi gaano karami ang tabloid noon. Lalong-lalo na noong martial law kung saan kontrolado ng diktadura ang media. Bagkus, dahil limitado ang media options noon, nangibabaw ang mura at accessible KOMIKS.

Siguro noong mga bandang 1986 hanggang 1989, maari mong sabihin na maraming dyaryo at tabloid ang sumibol dahil sa EDSA revolution. Pero kahit noong panahong ito, TAGALOG KOMIKS pa rin ang numero unong media na tinatangkilik ng karamihang Pilipino. Hindi lang mga dyaryo noong mga panahong ito ang sumibol kundi mga bagong channel sa tv, at iba pang entertainment media. Kahit nagsidatingan ang mga ito, namunyagi pa rin ang Tagalog Komiks ng lower income class.

Pero noon 'yon e. Ibaling natin ang paningin natin sa ngayon. Karamihan ng audience mo, MAHIRAP. P100 isang araw. Ang mga komiks na naghahari ngayon ay para sa maliit at mayamang audience. Walang industriya. Ang tabloid ngayon ang pinakamalawak na PRINT MEDIA. Me binigay na proposisyon si Papa Randy na bakit hindi usyosohin ang TABLOID PHILOSOPHY sa paglimbag ng komiks. Baka makatulong ito sa pagbangon ng industriya. Me sense ang sinabi niya. Ang ganitong pananaw at istratehiya ang ginawa noong araw ng mga Roces. Sang-ayon ako at ang marami pang iba diyan tulad ni Tabloid boy, Kidlat Romantiko, Gener, etc. sa proposisyong ito. Heto't malaya naming isinasawalat ang damdamin at pag-iisip dito kasama na rin ang pagbibigay ng pagkukuro at pagpuna sa kasalukuyang kabaluktutang nakikita namin sa local comics scene ngayon.

Oo, sang-ayon akong walang pakialaman. Talagang walang pakialam ngayon ang mga manlilikha ng komiks sa paligid nila, at sa mga gawa nila. Para kang nakakita ng isang addict na gumagamit ng illegal na droga na kapag binigyan mo lang ng simpleng puna na baka maapektuhan ang pag-iisip niya kung sumobra, mago-o.a. ito at magsisisigaw na karapatan daw nila iyon; WALANG PAKIALAMANAN. Kung sabihin mo namang me karapatang kang maghayag ng opinyon at puna, tatawagin kang diktador na pinipilit ang gusto mo. Weird no?

"McCoy: Magnate ka ba?" Ipagpalagay na nating hindi ako magnate. Magnate lang ba ang ang me karapatang mag-isip at magbigay ng puna na nawawari sa negosyo? Kung oo, bakit hindi mga magnate tulad nina Gokongwei, Tan, o Sy ang nakikita mong mga business column writer sa dyaryo o sa T.V.? Ibig mong sabihin mas papaniwalaan mo ang sinasabi ng isang magnate? Kung halimabawa sabihin ng magnate, si Henry Sy, na i-annex na lang ang Pilipinas sa mainland China o U.S. para umasenso ang ekonomiya, tama na ba yon? Kakagatin mo ito, hook line and sinker? Ganoon ka ba ka-gullible? Wala ka na bang kakayahang mag-isip ng mag-isa at umaasa ka sa iba para mag-isip para sa iyo? Sa lokal comics ganyan ang nangyayari ngayon. Ang mga manlilikha ngayon umaasa sa mga gawang abroad para makalikha ng komiks nila dito tapos tatawagin nilang "radical" at gawang "auteur".

Pero kung baligtarin natin. Kung sa 'yo ko naman itanong yan. Ikaw ba e magnate ng kasalukyang AMBOY at ANIME inspired komiks? Me pruweba ka bang naging matagumpay sila at nagkaroon ba ng industriya ngayon dahil sa istratehiya nilang pagtutok sa lasa at pihikan ang westernized income class AB audience? Sabihin mo sa akin ang mga local komiks na nagawa mo ngayon, at ituturo ko sa 'yo ang North Cemetery.

McCoy: "Oo nga marami kang statistics at kung ano pang alam, pero puro hasty generalizations ang matutumbok mo sa mga iyon." Specify. Anong mga "hasty generalizations" ang ginawa ko base sa mga datum na ginamit kong base? Baka ikaw ang gumagawa ng "hasty generalization" sa malawak mong akusasyon, kaibigang McCoy.

Saturday, September 09, 2006

Sagot ko kay Artlink

Sorry kung di ako makapag-post ng sagot sa comment ni Artlink. Talagang dominante na ng isang pananaw ang blog ni Papa Randy. Hinaharangan na ni Randy ang mga sinumang anonymous ang may gustong mag-post sa blog niya ke matino o sira-ulo.

Artlink: Tungkol doon sa binigay mong halimbawa na "marketing strategy" ng nakaraang monopolyo ng mga Roces, ang "volume first, quality second", palagay ko hindi ito marketing strategy. Ito ay CIRCULATION policy. Iba ang circulation sa pangkalahatang konsepto ng marketing.

Ang marketing ay pamamaraan kung paano mo maibebenta ang iyong produkto sa publiko. Kaakibat ng marketing ay product development, cost analysis, packaging, target market profile, promotion o advertising, at distribution.

Nang sinabi ko kung ANO ang magketing strategy noon ng monopolyong Roces, hindi ko tinutukoy ang circulation policy nila kundi ang pangkalahatang marketing strategy nila.

Gaya ng sinabi ko sa blog ni Papa Randy (pagkat ako ay anak sa labas) mula pa noong dekada sisenta, naghirap na ang ekonomiya ng Pilipinas hanggang ngayon na mas tumindi. Dahil nga sa naghirap ang ekonomiya, pag gagawa at bebenta ka ng produkto, lalong-lalo na ng komiks, ang una mong itatanong: HANGGANG SAAN BA ANG BUDGET NG KARAMIHAN NG MGA MAMIMILI O MAMBABASA NGAYON?

Kung matatandaan mo, me nag-post ng newspaper article sa blog ni Randy tungkol sa isang 2006 market study ng isang Propesora ng brand marketing sa La Salle. Ang suma ng sinabi niya karamihan o isang malaking 90% ng mga Pilipino ngayon ay nasa income class D at E. Maliit lang at di gaano gumagastos ngayon ang 10% income class AB. At ang income class DE na may limang miyembro kada pamilya ay me baong pera ng Php 100 isang araw.

Noong panahon ng mga Roces, lalong lalo na noong 1970s at 1980s, hindi kaila na ang kanilang target market ay hindi ang myaman at middle income class AB kundi ang LOWER INCOME CLASS D at E o ang "bakya crowd" noong araw, at ang "bakya crowd" na ito ang bumubuo ng KARAMIHAN ng mga Pilipino. Fastrack tayo ngayong 2006, hanggang ngayon, mas marami ang mahihirap kesa sa konting mayayaman. Bagsak ang middle class. Marami ang wala o kulang sa pag-aaral lalong-lalo na ang pagkaunawa sa Ingles dahil nga sa wala silang pera para makapagtapos ng pag-aaral o bumili palagi ng Ingles na babasahin. Ang kanilang naiintindihan o nababasang lengguwahe ay TAGALOG. SIMPLE AT HINDI KOMPLIKADO O MAKATANG TAGALOG. SIMPLENG TAGALOG. Bagamat ano pa man ang inyong sariling "opinyon" o "feeling" tungkol dito, iba ang realidad. Mas marami ang nakalimbag at mambabasa ng babasahing tagalog noon at ngayon sa bansa. Hindi Ingles.

Ngayon, ang overall marketing strategy ng mga Roces, ay ang pagtangkilik sa lower income class D at E na ito. Sa papaanong paraan? Una, ang paggawa ng mumurahing komiks na abot-kaya ng audience na ito (product development, cost analysis). Newsprint. (product development, packaging). Pangalawa: ang paggamit ng cost-effective printing equipment at labor (i.e., artists, writers, factory workers, office clerks, etc.). Pangatlo, ang pagaaral at pagsusuri kung ano ang mga hilig at interes ng lower income class audience na ito at ang paggawa ng komiks na angkop sa mga interes na ito, e.g. Horoscope, True Love, Pilipino Klasiks (nobela), Superstar, etc. (target market profiling (niche'), Pang-apat, ang pagsigurado na ang mga murang komiks na ito ay madaling hanapin ng kanilang audience na nasa banketa, terminal ng bus, jeepney, newspaper stand, sari-sari store, at maniwala kayo sa hindi, meron noong mga local TAGALOG komiks specialty stores na nag-aarkila ng komiks mismo sa banketa. Dahil nga sa malawak na distribution ng mga komiks, ito ay naging advertising medium ng mga produktong tinatangkilik ng lower income class. (Distribution, Advertising at Promotion).

Ito, Artlink, ang ibig kong sabihin sa marketing strategy noon ng mga Roces. Hindi circulation policy. Sa aking palagay, naaangkop ang ganyang istratehiya sa kasalukuyang panahon ngayon. Ito ba ang sinasabi mo na nilipasan na ng panahon?

Sa circulation policy siguro ng mga Roces na "volume first, quality second" maari itong sabihin na nilipasan na ng panahon dahil nga sa sinabi mong talamak na ngayon ang mga alternatibong pang-aliwan tulad ng internet, cellfone, etc.

Hindi naman ako sang-ayon sa proposisyon mo na ang circulation policy ngayon ay dapat "quality first, volume second" na kasalukuyang ginagawa ng mga komikerong naimpluwensiyahan ng amerikanong mainstream at japanese anime'. Bakit? Pagkat mataas ang presyo ng kanilang komiks--este-graphic novel-- (Php 50 to Php 1,200), at Ingles ang pangkalahatang gamit na salita na ang nakakaunawa ay ang konting income class AB na westernized pa ang mga taste. Biased sila generally sa gawang Pilipino.

Bagkus ang dapat na circulation strategy ngayon ay mas mahirap: "VOLUME AND QUALITY FIRST". Kaakibat niyan ang overall marketing strategy ng mga Roces at ang panibagong media landscape natin ngayon sa Pilipinas. Kung iyong mapapansin ito ang marketing strategy ng halos lahat ng mga kompanya ng komiks sa Japan, Hong Kong at Korea.

Kahit na nagkaroon ng economic crisis ang Japan mula 1997 (Southeast Asia Fiancial Crisis) hanggang 2003, mas mabenta ang mga mumurahing second-hand manga sa mga discount stores kesa sa mamahaling bago at latest na manga. Milyon milyon ang nabebenta ng mga samu't-saring titulo ng manga linggo-linggo. Abot-kaya at madaling hanapin ang manga. Kaya ito tagumpay bilang isang industriya. Dito sa atin, walang gumagawa ng ganyan sa kasalukuyan.

Tandaan mo rin na noong sumibol ang 10 cent newstand pulp comics sa America noong late 1930s, ME GREAT ECONOMIC DEPRESSION ANG AMERICA. Lalong lalo na noong pumasok ang America ng World War 2 mula 1941 hanggang 1944, ang ekonomiya nito nakasentro sa war effort at meron pa ring kahirapan sa bansa, lalong dumami at nagtagumpay ang mumurahing comics nila lalong lalo na sa OVERSEAS na tinatangkilik at binabasa ng mga American G.I.

Kaya, suma tutal, wala pa ring malinaw na kasagutan doon si Artlink sa tanong ko, na ano ang marketing strategy ng mga Roces NOON na hindi aplikado NGAYON. Sa aking palagay, me sense pa rin na magbenta sa lower income class--VOLUME AT QUALITY FIRST.

Sang-ayon ako sa sinabi mo Artlink na marami kang magagawang "target market" pag pinagsama-sama mo ang iba't-ibang estilo at pananaw ng mga comics creators at publishers. Pero ang problema sa kasalukuyan, wala halos VARIETY ang mga gawa ng mga creators at publishers ngayon. HALOS LAHAT kumokopya o umaasa sa gawa ng U.S. mainstream media at japanese anime'. Walang (o kakaunting pirangot) ang originality. Isa pa, nakatutok sila sa limitadong mercado ng income class AB na biased sa mga orihinal na produktong U.S. at Japan.

Sa ganang akin, dahil nga sa kahirapan ngayon, ang lower income class ay limitado ang access nila sa mga alternatibong libangan na available sa upper income class AB. Hindi pa sila masyado sarado sa kulturang Pinoy tulad ng westernized AB. Sa mas malawak na mercadong ito, dapat nakatuon ang kasalukuyang publisher at nagbabalak maglimbag ng local komiks.

TUNGKOL NAMAN DOON SA TAGALOG: Kung sang-ayon ka sa pananaw na dapat sa malaking lower income class ka gumawa ngayon ng komiks, sasang-ayon ka rin sa pananaw (na suportado ng factual at statistical data) na ang tinatangkilik nilang mga babasahin ay TAGALOG at hindi INGLES. Kaya, business-wise, ang iyong ilalathalang komiks dapat ay TAGALOG, SIMPLENG TAGALOG (na pwedeng me halong tag-lish) ang dapat gamitin PARA MAINTINDIHAN AT MAALIW ang BIBILI. Lohikal lang na kung di maintindihan ng reader ang komiks mo, di nila ito bibilhin lalong lalo na kung MAHAL PA ANG PRESYO NITO. Papaano mo magagawang magkaroon ng awareness ang target audience na ito kung ang gagamitin mong salita ay INGLES? Sige, sabihin na nating OPTION lang ang pag-gamit dito ng Ingles. Pero kung ikaw ay negosyante at gusto mong marami ang tumangkilik sa komiks mo, hindi ba't mas tatangkilikin mo ang OPTION na gumawa ng TAGALOG komiks kesa sa Ingles?

Kung gumawa ka ng murang tagalog komiks at hindi ito mabenta sa upper income AB dahil nababaduyan sila, hindi ba't me option ka pang ibenta ito sa lower income TAGALOG DE market? Me pag-asa ka pang kumonti o mawala ang UNSOLD surplus mo? Di ba't mas lumawak din ang salability ng produkto mo? Ngayon, kung ang ginawa mo ay komiks na ingles, sigurado, me unwanted at unsold surplus ka pa dahil sa pagka-bias ng mga pihikan at westernized income class AB audience sa orginal na produktong banyaga. Between "Darna the Golden Anniversary Edition" versus "X-Men" o "Justice League" o "Yu-gi-oH", mas pipiliin ng income class AB ang X-Men, Justice League at Yu-Gi-Oh. No contest. Pumunta ka lang sa Comicquest, obserbahan mo, iyan ang reality. Kaya semplang pati ang mga nagbu-burgisang mga globalized "indies" sa US at Japanese Anime' comics.

Dahil nga sa ang gamit na salita ng karamihan sa mga "indies" ngayon ay INGLES, WALANG AWARENESS dito ang lower income class at upper income class. Bagkus ang westernized na tema ng kwento at pananalita ng mga indies at gawang AMBOY komikero ay limitado lang sa kanilang kulto o SUB-CULTURE gaya ng nabanggit ni Papa Randy. Limitado ang circulation, limitado din ang audience. Resulta: wala talagang industriya. "Pataasan lang nga ihi" culture ang pinananatili.

TUNGKOL SA PAGIGING "GLOBAL COMPETITIVENESS" NG MGA KASALUKUYANG COMICS ARTISTS AT PUBLISHERS: At bakit naman hindi sila masisi? CHOICE nila iyon diba? Pinili nila ng malaya na WAG GUMAWA NG MURA AT ME QUALITY na komiks sa bansa natin dahil sa ayon sa paniniwala nila: WALA SILANG KITA RITO. Pera at ego ang nagingingibabaw. Ayaw nilang tumayo sa mga drawing board nila para magtanong at magusisa sa mga bagay-bagay na di ukol sa art. Malinaw iyon sa dating sagot at comment ni Gerry Alanguilan sa blog ni Papa Randy.

Dahil sa Choice nilang ito na maging globally competitive, nakatulong sila sa kasalukuyang kawalan ng paghinga ng komiks sa bansa natin. Contaminated na sila ng isipan at gawang banyaga. Hinawa pa nila ang mga kasalukuyang pulbisher at nagnanais mag-publish, ng komiks: ang mga indies. Hindi sila dapat sisihin? C'mon. Artlink, ikaw na rin ang nagsabi na ang mga Komikero at mga anime' inspired copycats ay:

"DI LANG SILA ANG MAY KONTRIBUSYON SA PAGBAGSAK NG ATING LANGUAGE AT PAGGAWA NG LOCAL KOMIKS."

Translation: THEY ARE PART OF THE PROBLEM. Ergo: dapat silang sisihin DIN.

Me mga utak sila, me free will, me talino, di naman nila ginagamit. CHOICE pa nilang di gamitin in the name of 'artistic freedom". Bagkus, nagpapaalipin sila sa kultura ng ibang bansa at dinadala dito ang kaisipang iyan. Me artistic freedom nga, pero ito ay freedom ng pagpapa-alipin ng isip. Freedom nga, wala namang intelligence, guts, at responsibility. Kaya hanggang ngayon, bagsak ang komiks nating mga Pinoy.

Susunod: SASAGUTIN KO SI USERNAME: McCOY, YUNG ME ICON NA MALIIT AT PUTING MANOK.

Friday, September 08, 2006

May dapat bang ikatakot si Randy para i-censor ang LAHAT ng mga nagpo-post ng comments sa blog niya?

Palagay ko ay overkill ang nangyari. Natakot kasi si Randy sa mga pinagsasasabi ng mga burgis ng maka-komiks tulad ni Robby Villabona na kung itutuloy niya ang malayang talakayan ay maari siyang maging "complicit" o madawit sa libel na pananalita ng ibang mga nagpo-post ng comment. Lalong lalo na sa mga comment ni Tunay na Pinoy laban ke Manilaboy. Ang tanong ko lang, paano ba exactly madadawit si Randy sa Libel? Hindi ito naisplika ng mabuti ni Robby.